Saturday, February 25, 2012

Ang mga Nagpapatotoo tungkol sa Iglesia Ni Cristo


PASUGO God's Message, February 2012, Volume 2, ISSN 0116-1636, pp. 27-29
Sinulat ni Lloyd I. Castro

SA PANAHONG CRISTIANO, ibibilang tayong mga anak ng Dios kung may kaugnayan tayo sa Kaniyang Anak na si Jesucristo.  Upang magkaroon tayo ng kaugnayan kay Cristo, kailangang maging miyembro tayo ng Kaniyang Iglesia.  Ang kaanib sa Iglesiang itinayo ni Cristo ang may relasyon sa Kaniya dahil sa ang Iglesia ay katawan Niya at Siya ang ulo nito (Col. 1:18; Efe. 5:32, Magandang Balita Biblia).

Kaya, kung sinasabi ng isang tao na siya'y anak ng Diyos o siya'y may relasyon kay Cristo, kailangang mapatunayan muna niyang ang iglesia o samahang panrelihiyong kinabibilangan niya ay siyang tunay na kay Cristo sa panahong ito.  Ang Panginoong Jesucristo na tagapagtatag mismo ng Iglesia, ang mga apostol Niya, at higit sa lahat, ang Dakilang Diyos, ang mga nagpapatotoo kung alin lamang sa napakaraming iglesia at pangkatin ng pananampalataya ngayon ang iisang Iglesiang titinatag ni Cristo.

Iyon ang iglesiang dapat nating pasukan upang maging totoo at matibay ang ating pagkakatiwalang may relasyon tayo sa Panginoong Jesus, at sa gayon, tayo'y sa Ama na iisang tunay na Diyos.

Ang patotoo ni Jesus

Ayon sa Apocalipsis 19:10, "ang patotoo ni Jesus ay siyang espiritu ng hula."  Suriin natin kung ang Iglesia Ni Cristo na nagsimula sa Pilipinas ay pasado sa pamantayang ito.

Kung ang Iglesia Ni Cristo ang siya lamang Iglesiang kay Jesucristo, may patotoo ba Siya tungkol dito?  May hula (prophecy) ba Siya tungkol sa paglitaw ng Iglesia Ni Cristo sa Pilipinas noong 1914?

Ang totoo, ang pagkakatatag ng Iglesiang ito ay katuparan ng hula ni Cristo na nakasulat sa Juan 10:16 tungkol sa Kaniyang ibang mga tupa: "Mayroon pa Akong ibang mga tupa.  Sila ay wala sa kawan na narito.  Kailangan Ko din silang pangunahan.  Sila ay makikinig sa Aking tinig.  Sa  hinaharap ay magkakaroon ng isang kawan at isang pastol." (Isinalin mula sa Easy-to-Read Version).

Ipinagpauna ng Panginoong Jesus na mayroon Siyang ibang mga tupa na gagawin Niyang isang kawan.  Itatatag Niya sila bilang Iglesia Ni Cristo.

Pinatunayan ni Apostol Pablo na ang kawan ng Panginoon ay ang Iglesia Ni Cristo.  Ganito ang sinabi niya sa Gawa 20:28: "Ingatan ninyo kung gayon ang inyong mga sarili at ang buong kawan na rito'y hinirang kayo ng Espiritu Santo na mga katiwala, upang pakanin ang iglesia ni Cristo na binili niya ng kaniyang dugo" (Isinalin mula sa Lamsa Translation)

Ang patitipon sa ibang mga tupa ng Panginoong Jesus upang maging Iglesia Ni Cristo ay mangyayari sa hinaharap o sa darating na panahon.  Kaya tinawag Niya silang Kaniyang ibang mga tupa ay dahil "wala sila sa kawang narito," na ang tinutukoy ay ang Iglesia Ni Cristo noong unang siglo.

Hindi nangangahulugang dalawang Iglesia ang itinayo ni Cristo.  Ang Iglesia noong unang siglo at ang Iglesiang kinabibilangan ng Kaniyang ibang mga tupa ay iisang Iglesia Ni Cristo.  Kung paanong iisa ang ulo, si Cristo, iisa lamang ang katawan o Iglesia (Efe. 4:4; Col. 1:18).  Ang paglitaw ng Iglesia Ni Cristo sa Pilipinas ay muling pagkakatatag sa tunay na Iglesia.

Kailangan ang muling p agtatatag sa Iglesiang nagsimula sa Jerusalem noong unang siglo sapagkat ito ay naitalikod sa pananampalataya noong pumanaw na ang mga apostol (Gawa 20:29-30; I Tim. 4:1).  Kung paanong ipinagpauna ng Panginoon na ang Iglesia ay ililigaw ng mga bulaang propeta o mga huwag na tagapangaral (Mat. 24:4, 9, 11), hinulaan din Niya ang pagkakaroon ng isang kawan sa hinaharap na panahon o ang muling pagtatatag sa Kaniyang Iglesia.

Ang patotoo ng mga apostol

Nagbigay rin ang gma apostol ng patotoo na ang "isang kawan sa hinaharap" na binubuo ng ibang mga tupa ni Cristo ay ang Iglesia Ni Cristo na lumitaw sa Pilipinas.  Ito ang katuparan ng hinulaan ni Apostol Pedro na ikatlong grupo ng mga taong pinangakuan ng Espiritu Santo: "Pakatalastasin nga ng buong angkan ni Israel, na ginawa ng Dios na Panginoon at Cristo itong si Jesus na inyong ipinako sa krus... Sapagka't sa inyo ang pangako, at sa inyong mga anak, at sa lahat ng nangasa malayo, maging ilan man ang tawagin ng Panginoon nating Dios sa kaniya" (Gawa 2:36, 39, amin ang pagdiriin).

Malinaw na ang "sa inyo" ay Judio na umanib sa Iglesia noong unang siglo.  Ang tinutukoy naman na "sa inyong mga anak" ay ang mga Gentil na naging Cristiano sa pamamagitan ng pangangaral ng ebanghelyo, pangunahin na ni Apostol Pablo na isang Judio (I Cor. 4:14-15).

Kung gayon, ang "mga nasa malayo" ay hindi tumutukoy sa mga Gentil na naging kaanib sa unang siglong Iglesia.  Samantalang ang mga Gentil, kasama ng mga Judio, ay tinawag noong panahon ng mga apostol (Roma 9:24), ang ikatlong grupo naman ay tatawagin pa lamang: "sa lahat ng nasa malayo, maging ilan man ang tawagin ng ... Dios."

Tulad ng nabanggit na, iisa lamang ang tunay na Iglesia, Gayunman, ito ay binubuo ng tatlong grupo ng tao. Ang unang dalawang grupo na magkapanahon-- ang mga Cristianong Judio at Gentil-- ang bumubuo sa Iglesia noong unang siglo.  Ang ikatlong gruop ay malayo sa kanila sa panahon at dako.  Ganito ang pagkakasalin ni C.H. Rieu sa Gawa 2:39: "Sapagkat ang kaloob ay ipinangako sa inyo, at sa inyong mga anak, at sa lahat ng nasa malayong mga panahon at dako, na tatawagin ng Panginoon nating Diyos sa kaniya" (Isinalin mula sa Rieu Translation).

Ang patotoo ng Diyos

Ang malayong dako sa mula roon ay tatawagin ang ibang mga tupa ni Cristo ay ang Malayong  Silangan, ayon sa hula ng Diyos sa Isaias 43:5: "Mula sa malayon gsilangan dadalhin Ko ang iyong lahi, at mula sa malayong kanluran ay titipunin Ko kayo" (Isalin mula sa Moffat Translation).

Kabilang sa tinatawag na dako ng mga Gentil ang Roma at Gresya na kapuwa nasa Europa.  Ang mga ito ay wala sa Malayong Silangan.  Ang Far East o Malayong Silangan ay ang rehiyon sa Asya na kinaroroonan ng Pilipinas (Kenneth Scott Latourette. A Short History of the Far East, p. 209), na rito lumitaw ang Iglesia Ni Cristo sa panahong ito.

Ang binabanggit naman na "malayong mga panahon" ay tumutukoy sa ekspresyong "mga wakas ng lupa."  Sa panahong iyon tatawagin o dadalhin ng Diyos ang Kaniyang mga anak na lalake at babae na mula sa silangan, sa malayo.  Sa Isaias 43:5-6, ganito ang nakasulat: "Huwag kang matakot, sapagkat ako'y sumasaiyo; dadalhin ko ang iyong lahi mula sa silangan, at titipunin kita mula sa kanluran; sasabihin ko sa hilaga, 'Bayaan mo!' At sa timugan, 'Huwag mo silang pigilan!' Dalhin mo ang aking mga anak na mula sa malayo, at ang Aking mga anak na babae namula sa mga wakas ng lupa" (Isinalin mula sa New King James Version).

Ang wakas ng lupa ay sa Ikalawang Pagparito ni Cristo o Araw ng Paghuhukom (Mat. 24:3; II Ped. 3:7).  Ang panahon bago ang dakilang araw na iyon ay tinawag ni Cristo na "mga pintuan" na ayon din sa Kaniya ay "malapit na" (Mat. 24:33).  Kung gayon, ang "mga wakas ng lupa" ay ang panahong malapit na ang wakas.

Kabilang sa mga pangyayaring makikita ayon kay Cristo kung ang panahon ay nasa mg awakas na ng lupa ay mga digmaang ito ay mapapabalita (Mat. 24:6-7).  Ang mga digmaang ito ay mapababalita (Mat. 24:6, MB) sa buong mundo sapagkat ang mga digmaang ito mismo ay pambuong mundo.

Sa kasaysayan, may dalawang digmaang pandaigdig, Worl War I (Unang Digmaang Pangdaigdig) at World War II (Ikalawang Digmaang Pandaigdig), na naganap halos 19 na siglo ang layo sa panahon ng Iglesiang pinamahalaan ng mga apostol.  Ang Unang Digmaang Pandaigdig ay sumiklab noong Hulyo 27, 1914.  Ito ang pagsisimula ng panahong "mga wakas ng lupa" kung kailan hinulaang tatawagin ng Diyos ang Kaniyang mga anak mula sa Malayong Silangan.  Bilang katuparan ng hulang ito, ang Iglesia Ni Cristo ay narehistro sa pamahalaan ng Pilipinas sa mismong petsang iyon.

Kung gayon, ang kawan na binubuo ng ibang mga tupa ni Cristo ay ang Iglesia Ni Cristo na bumangon sa Pilipinas noong 1914.  Ang Diyos mismo ang nagpapatotoo na ang mga kaanib ng Iglesiang ito ay ang Kaniyang mga anak.  Tiniyak ng Panginoong Jesus na sila'y Kaniyang mga tupa o mga alagad, alalaong baga'y tunay na Cristiano.  At ang pahayag ng apostol na sila'y tumatanggap ng kaloob ng Espiritu Santo ay katumbas ng rin ng patotoo na ang Iglesia Ni Cristo ay siyang bayan ng Diyos sa panahong ito (Efe. 1:13-14, MB).

Kaya, sa Iglesia Ni Cristo nararapat maging miyembro ang lahat ng nagnanais magkaroon ng relasyon sa Panginoong Jesus upang mapabilang sa mga kinikilala ng Dios na ang anak Niya.

Ayon kay Apostol Pablo, "kung mga anak, ay mga tagapagmana nga; mga tagapagmana sa Diyos, at mga kasamang tagapagmana ni Cristo" (Roma 8:16-17).  Mamanahin nila ang Bayang Banal na doon ay makakapiling nila ang Diyos magpakailanman (Apoc. 21:1-4).

No comments:

Post a Comment